Sunday, June 10, 2018

ANG MGA MANOBO


Maniniwala ba kayo kung sa pagbabasa ng blog na ito ay malalaman ninyong mayroon pa palang mga taong namumuhay sa liblib na lugar tulad ng kweba at nananatiling tapat sa mga sinaunang mga gawi ng ating mga ninuno? Hindi nga? Malamang ito ang una ninyong magiging reaksyon kung hindi naman ay "Talaga?", sa tonong parang hindi naniniwala at malamang ay isipin ninyong hindi talaga totoo ang mga naka-sulat dito kung kaya't may kaakibat itong mga patunay na kung saan ang sarili naming mga mata ay nasaksihan ang mga kuwentong nakapaloob sa blog na ito. Ang blog na ito para sa kaalaman ng lahat ay para sa aming History, na ang ibig sabihin ay ginawa lamang namin ito para magkaroon ng marka. Subalit nang aming masaksihan ang mga bagay na kanilang ikinabubuhay at kanilang mga pamamaraan, higit pa sa isang simpleng blog ang mga nakapaloob dito. Hindi lamang ito para sa aming instructor na si Ms. Rhemia Lee Pabelico kundi para sa mga estudyante di lamang ng bansang Pilipinas kundi pati na ng buong mundo; sa pamahalaang kahit kailan ay di man lamang pinapansin ang mga lathalain ng mga huwad na estudyante; di lamang ng mga rebeldeng iskolar ng bayan kundi pati na ng lahat na estudyante sa bansa; sa mga NGO's na nais makatulong sa mga taong pinilit na panatilihin ang sina-unang kultura ng ating bansa at pati na rin sa mga environmental advocates sa iba't-ibang panig ng mundo na nagkakainteres sa aming mga natuklasan at aming ibabahagi sa pamamagitan ng blog na ito.


Ang Manobo ay isa sa mga pinakamatandang tribo ng ating bansa na dapat na ipagmalaki sapagkat mayaman ang kanilang kultura na sana'y naipasa sa bawat Pilipino. Ang nasabing tribo ay tubong Agusan, isang lalawigan sa Mindanao, ito'y ayon sa aming naka-usap na isang tubong Agusan at kung maniniwala kayo ay isang Manobo. Ayon din sa kanya napakarami nilang mga Manobo at sila'y naninirahan sa iba't-ibang kabukiran sa Agusan.

KASAYSAYAN AT PINAGMULAN


Sino at ano nga ba ang nga Manobo? Saan ba talaga sila nagmula at anu-ano ang kanilang mga kaugalian na magpahanggang ngayon ay patuloy pa ring umiiral sa komunidad? Yan at ilan pang mga tanong ang balak at gustong sagutin ng blog na ito. Sisimulan natin sa kung ano ba ang ibig sabihin ng salitang "Manobo".Maraming mga sagot patungkol sa kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng salitang Manobo. Ang isa ay nagsasabing: ang Manobo ay nangangahulugang 'tao' o 'mga tao';ikalawa ay ito raw ay nagmula sa salitang "Mansuba" mula sa salitang 'man' na nangangahulugang 'tao' at 'suba' na ang ibig sabihin ay'ilog',ibig sabihin ang salitang "Mansuba" ay nangangahuligang "taong ilog" sapagkat karamihan sa kanila ay makikitang nakatira sa tabi ng mga ilog;ang ikatlo ay nagsasabi na ito raw ay nagmula sa salitang "Banobo", isang creek na kasalukuyang dumadaloy sa Ilog Pulange dalawang kilometro pababa ng Cotabato City;at ang ikaapat ay nagsasabi na ito ay galing sa salitang "man" na ang ibig sabihin naman ay "first o aboriginal" at "tuvu" na ang ibig sabihin ay "pagtubo o paglaki".
Ang mga manobo ay nagmula sa mga taong lagalag mula sa kanlurang bahagi ng Tsina. Karamihan sa kanila ay nakatira sa tabing-ilog, tabi ng mga burol at sa talampas sa maraming bahagi ng Mindanao. Sinasabing sila ay unang nanirahan sa mga lambak ng Ilog Pulangi subalit naghiwa-hiwalay sa pagdating ni Shariff Kabungsuan dahil sa pagtanggi ng ilan sa relihiyongIslam.


EKONOMIYA AT INDUSTRIYA
Ang karaniwang industriya ng mga manobo ay angkaingin. Ang pangunahing hanapbuhay ng mga manobo ay pagtatanim ng palay at mais. Marunong din silang mangisda,pangangaso at pagkuha ng "pulot". Dahil dito, nabuhay ang nga Manobo sa isang sagana at matiwasay na pamumuhay. Subalit, ang ilang nanirahan ng permanente ay natuto at nakuntento na lang sa pagtatanim ng niyog at pagcocopra.


LIPUNAN AT PAMAHALAAN
Nauuri sa apat ang mga manobo: ang bagani,baylan,mga manggagawa at mga alipin. Ang mgabagani ay ang mga mandirigma na lumalaban sa nga digmaan at nagtatanggol sa pamayanan; ang mgabaylan ay ang mga babae o lalaking pari at manggagamot; ang mga manggagawa ay ang mga magasasaka at ang mga alipin ay ang mga nakuha o mga nabihag nilang mga kalaban. pati mga katutubo ay pwede ring maging alipin kung sila'y naparusahan sa kanilang pagkakasala.
Pinamumunuan sila ng tatlo hanggang apat na timuay obai (babaeng datu) depende sa lawak at pagkakalapit-lapit ng mga baranggay. Subalit, ang mga Manobo ay walang sistema ng pamunuan hanggang sa kalagitnaan ng ika-20 siglo.


KAUGALIAN AT MGA PANINIWALA
Ang mga Manobo ay maraming paniniwala. Ilan dito ay ang paniniwala ng mga buntis na sila ay dapat manatili sa loob ng bahay kung pula ang kulay ng langit matapos lumubog ang araw. Ito ay dahil sa paniniwalang ang mga busaw (aswang) na uhaw sa dugo ay nasa paligid at nag-aabang sa biktima. Hindi rin sila maaring tumakbo kapag nasugatan ang paa sapagkat malalaglag ang kanilang pinagbubuntis.
Habang nanganganak ang babae,ang kumadrona ay naglalagay ng mga anting-anting sa bewang ng nanganganak. Ito ay upang ipagtanggol ang buntis sa mga masasamang anito sa paligid. Matapos manganak, nililinis ng kumadrona ang lahat ng bagay na ginamit sa panganganak upang maitaboy ang busaw. Biang kabayaran, ang kumadrona ay dapat bayaran ng maliit na kutsilyo upang linisin ang mga kuko; isang plato upang paglagyan ng dugo ng sinakripisyong manok; malong upang makapagbihis siya; at konting salapi upang hindi siya maglagay o magbitiw ng anumang sumpa sa pamilya.
Ang kasal naman ay kadalasang isang kasunduan sa pagitan ng mga magulang. Ito ay nagsisimula sa ginsa (paki-usap) ng pamilya ng babae sa pamilya ng lalaki kung saan ito ay magalang na tinatanggihan hanggang magkaroon ng kasunduan para sa kagun (bridewealth). Lahat ng kamag-anak ng lalaki ay mag-aambagan para sa kagun hanggang sa maabot nila ang halaga ng kagun. Ang araw ng kasal ay maitatakda lamang kung matapos nang maabot ang halaga nang kagun. Habang nag-aambagan ang pamilya ng lalaki, ang pamilya ng babae naman ay abala sa paghahanda ng apa ( handaan ng kasal). Nagtatapos ang proseso sa isang marangyang kasal. Ang kasal sa kanila ay isang sistema kung saan ang ugnayan ng pamilya ng lalaki at babae ay kinakailangan. Ang pagkakaroon ng maraming asawa, bagama't kadalasan lang kung mangyari ay hindi ipinagbabawal.
Mayroon din silang kaugalian sa palilibing. Ang patay na lalaki ay kanilang inililibing na nakaharap sa silangan upang ang pagsikat ng araw ay magbigay hudyat na oras na upang magtrabaho. Ang babaeng namatay naman ay inililibing na nakaharap sa kanluran upang ang paglubog ng araw ay magbigay hudyat na oras na para sa kanya ang magsaing. Sa oras na tinatakpan na ng lupa ang libingan, lahat ng naroon ay tumatalikod upang mapigilan silang mahikayat na sumama sa namatay. Matapos ang libing, mayroong walo hanggang labindalawang araw ng kalungkutan depende sa estado ng namatay. Ang sanggol ay isang araw lang at ang datu hanggang pitong araw. May kantahan at sayawan sa loob ng mga araw na ito subalit ipinagbabawal ang instrumental na mga kanta.


SINING
Ang pagiging makasining ng mga Manobo ay makikita sa kanilang pang-araw-araw na kasuotan. ang kanilang tradisyunal na kasuotan ay magarang binurdahan at halos lahat ay gawa sa abaka. Ito ay kinukalayan gamit ang mga pangkulay mula sa kalikasan. Kumukuha sila sa iba't-ibang halaman para sa iba't-ibang kulay. Kadalasan ito ay hinahabi na may nga disenyo ng mga bulaklak at mga bagay sa kalikasan. Subalit, ang mga kasuotang ito ay nakilala lamang raw ng mga Manobo ng maaga lang ngayong siglo sapagkat, ang mga Manobo ay hindi marunong maghabi.
Maging ang pag-aayos ng kanilang buhok ay masining. Ang mga buhok nila ay kadalasang nasa estilong "buns" at "bangs". Ang buhok ng mga babae ay nilalagyan ng kawayang suklay at mga dekorasyon gaya ng perlas, kabibe at mga bagay na iba't-ibang hugis. Ang sa mga lalaki naman ay ang tinatawag na tengkulu, isang piraso ng tela na kanilang binubuklod palibot sa kanilang ulo.
Ang mga alahas din ay may mahalagang papel sa kanilang buhay. Ang ilan pa nga rito ay pinaniniwalaang epektibo laban sa mga lason at sumpa. Ang mga babae ay may mga hikaw na kahoy na halos tatlong sentimetro ang lapad. Ito ay nababalutan ng ginto,pilak o di kaya'y tanso. Mga kuwintas na kung tawagin aybalungkag na hinuhubog nila sa iba't-ibang disenyo gamit ang mga kabibe, maliliit na beads, ngipin ng buwaya o di kaya'y mga kristal na may iba't-ibang kulay. Meron ding tinatawag na sinakit, isang kuwintas na sinukat sa laki at lapad ng leeg. Ang para sa mga lalaki ay isang sinakit na hinugis na tila likod ng isang sawa.
Marami pa silang mga dekorasyon sa katawan gaya ng tattoo, panggilid sa ngipin at pulseras ng iba't-ibang uri at laki.
Gumagawa rin sila ng mga bagay-bagay na magagamit nila sa pang-araw-araw na buhay. May mga sombrero na gawa sa kawayan at erik-ik o anahaw. Marami silang basket para sa iba't-ibang gamit. May basket para sa isda, bigas at mga pang-imbak.
Ang mga Manobo ay mayaman rin pagdating sa kanilang pagsulat.Mayroong atukon, bugtong, salawikain, panonggelengan, katutubong kuwento, pabula, epiko at nakakatuwang kuwento.




MGA KWENTONG BAYAN NG MINDANAO

ANG ALAMAT NG MINDANAO
Si Sultan Kumpit ay isa sa mga naging pinuno ng isang malaking pulo. Siya ay matalino nguni't ang mga Muslim ay takot sa kanya dahil sa siya raw ay masungit. Ang sultan ay may kaisa-isang anak na dalaga. Ang pangalan niya ay Minda.
Si Minda ay ubod ng ganda. Dahil sa kagandahan ng prinsesa ay marami ang nanliligaw dito. Kabilang na ang mga sultan, raha, datu at prinsipe ng iba't ibang pulo. Bawat manliligaw ni Prinsesa Minda ay may kani-kaniyang katangian kung kaya't nagpasiyang magbigay ng tatlong pagsubok si Sultan Kumpit. Ang mananalo sa tatlong pagsubok na ito ang siyang mapalad na makaka-isang dibdib ng kanyang anak.
Ang unang pagsubok ay kung sino ang makapagsasabi ng kasaysayan ng kanyang angkan hanggang sa ikasampung salin nito. Ang ibig sabihin nito ay kung sino at ano ang naging buhay ng ama, nuno, ama ng nuno, nuno ng nuno at mga kanunununuan hanggang sa ikasampung salin.
Ang ikalawang pagsubok naman ay kinakailangang malagpasan ang kayamana ng hari upang maging daan patungo sa ikatlong pagsubok. Nguni't ang higit na mayaman ang siyang magmamay-ari ng kayamanang natalo.
Marami ang nakipagsapalaran at natalo sa unang pagsubok. Isa na rin ang kilalang si Prinsipe Kinang. Siya ay nakapasa sa unang pagsubok nguni't natalo sa ikalawang pagsubok sapagkat ang kanyang tatlong tiklis na ginto ay nahigitan ng apat natiklis na ginto ng hari. Lalong yumaman si Sultan Kumpit. Alam ng lahat na marami pang ginto si Sultan Kumpit at ngayon nga ay nadagdagan pa ng tatlong tiklis na tinalo kay Prinsipe Kinang.
Isang matalinong prinsipe ang nais na sumubok. Ngunit bago niya ito gawin ay nag-isip siyang ma buti kung papaano niya matatalo ang kayamanan ng Sultan. Nanghiram siya ng ginto sa kanyang mga kaibigang maharlika hanggang sa makatipon siya ng labintatlong tiklis ng ginto.
Nagbihis at nag-ayos ng buong kakisigan si Prinsipe Lanao. Una niyang nakausap si Prinsesa Minda. Sa unang pagkikita pa lamang ay sumang-ayon agad ang prinsesa sa binatang prinsipe. Lihim na natuwa ang puso ni Prinsipe Lanao sapagkat nasiguro niyang may pagtingin din sa kanya Prinsesa.
"O, ano ang masasabi mo sa iyong angkan?" ang unang pagsubok ng sultan kay Lanao. Mabilis na isinalaysay ni Lanao ang kanyang lahi ngunit muntik na itong mabuko sa ikasampung salin. Nakaisip siya ng pangalan at nag-imbanto ng kagitingan nito. Laking pasasalamat niya nang siya ay makapasa sa unang pagsubok. Sa ikalawang pagsubok ay, "Ilang tiklis na ginto ang dala mo, Mayroon akong pito, iyon ba ay iyong mahihigitan? ang pagmamalaking tanong ng sultan.
"Mayroon akong labintatlong tiklis ng ginto rito ngayon nguni't kung kulang pa ito ay handa akong, ilabas ang mga nakatago pa sa aming kaharian," ang tugon ni Prinsipe Lanao.
"Hindi na bale, iyo na ang pitong tiklis ko. Ganito naman ang ikatlong pagsubok. Ikaw ay tutulay sa isang lubid sa may malalim na bangin. Pag ito'y nagawa mo ay ikakasal kayo ng aking mahal na prinsesa sa pagbibilog ng buwan," ang sabi ng sultan. "Ang ikatlong pagsubok ay kinabukasan na natin itutuloy."
Umalis si Lanao napunong-puno ng pag-asa. Nagsanay siyang tumulay sa baging na sampayan. Ngunit lingid sa kanya ay may masama palang balak ang sultan sa pagtulay niya sa lubid. Natunugan ito ni Minda at laki ng kanyang pag-ibig sa binata ay gumawa siya ng paraan. Inutusan niya ang kanyang katulong na putulin ang matibay at manipis na sinulid na nakakabit sa tulay na tatawiran ni Lanao. Ang sinulid palang ito ay hahatakin upang malaglag sa bangin si Lanao. Mabilis na natupad ang ipinag-utos ni Minda sa kanyang katulong.
Kinabukasan ay maluwalhating nakatawid si Lanao sa lubid at ang kanilang kasal ni Prinsesa Minda ay naganap. Namuno ang mag-asawa sa kaharian ni Sultan Kumpit. Dahil sa kabaitan ay napamahal sa mga tao ang dalawa kaya't ang malaking pulong iyon ay pinangalanang Minda-Lanao na di nagtagal ay naging "Mindanao."

NAGING SULTAN SI PILANDOK
Ang kinagigiliwang Juan ng katagalugan ay may katumbas sa mga Maranaw - si Pilandok.

Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kanyang ginawa.
Pagkalipas ng ilang araw, ang sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kanyang harap na nakasuot ng magarang kasuotan ng sultan. Nakasukbit sa kanyang baywang ang isang kumikislap na ginituang tabak.
"Hindi ba't itinapon ka na sa dagat?" nagtatakang tanong ng sultan kay Pilandok. "Siya pong tunay, mahal na Sultan," ang magalang na tugon ni Pilandok. "Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon," ang wika ng sultan.
"Hindi po ako namatay, mahal na sultan sapgkat nakita ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako'y sumapit doon. Sila po ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa lahat ng bagay?" ang paliwanag ni Pilandok. "Marahil ay nasisiraan ka ng bait," ang sabi ng ayaw maniwalang sultan. "Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat."

"Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla ay naririto ngayon at kausap ninyo," ang paliwanag ni Pilandok. "May kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po'y aalis na at marahil ay hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak." Umakmang aalis na si Pilandok.

"Hintay," sansala ng sultan kay Pilandok. "Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang sultan ng mga sultan at ang iba ko pang kamag-anak." Tatawagin na sana ng sultan ang mga kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihangwalang dapat makaalam ng bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang Sultan sa loob ng isang hawla.
"Kung gayon ay ilagay mo ko sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat," ang sabi ng sultan. "Sino po ang mamumuno sa kaharian sa inyong pag-alis?" ang tanong ni Pilandok. "Kapag nalaman po ng iba ang tingkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng dagat ay magnanais silang magtungo rin doon."
Sandaling nag-isip ang sultan at nakangiting nagwika, "Gagawin kitang pansamantalang sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin." "Hintay, mahal na Sultan," ang pigil ni Pilandok. "Hindi po ito dapat malaman ng inyong mga ministro."
"Ano ang nararapat kong gawin?" ang usisa ng sultan. "Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta't ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong korona, singsing at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong kabig ay susundin nila ako," ang tugon ni Pilandok.

Pumayag naman ang sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging sultan.


ANG ALAMAT NG BUNDOK PINTO
Labis na nakamamangha at napakahiwaga ang tungkol sa yungib. Ito ay pinanirahan ng mga supernatural na nilikha tulad ng mga diwata at reyna na pinaniniwalaang lumitaw nuong unang panahon. Sila ang pinaniniwalaang magagandang nilikha ng diyos na may napakaraming aria-arian tulad ng iba’t ibang uri ng mga alahas. Mayroon din silang mga bagay-bagay na yari sa tanso tulad ng mga agong (gongs), mga kulintang, mga gandingan at iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan o kabilang sa kumpletong mga instrumentong musikal na yari sa tanso.
Ang mga sinaunang nanirahan sa nayon ay maingat na nagmatyag at malapitang sinaksihan ang mga pambihirang gawi at mga kakatwang gawain ng mga kakaibang naninirahan sa yungib. Napuna ng mga taga-nayon na tuwing maaliwalas na mga gabi ay nagkakaroon ng pambihirang kasayahan sa bundok. Ang malamyos na musikang likha ng mga instrumentong musikal ay maririnig mula sa bunganga ng yungib.
Mapagkikilalang ang musika ay likha ng kagamitang musikal na yagi sa tanso. Sa katahimikan ng gabi, ang musikang nagmumula sa bundok Pinto ay nakapagdudulot ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa mga naninirahan malapit sa bundok. Ang gayong kakaiba at kamangha-manghang nakaaaliw at masasayang pangyayari ay nagtagal at nagpatuloy ng maraming mga taon.
May pagkakataon pang ang ilang malalakas ang loob na lalaki ay di pa nasiyahan sa pakikinig lamang ng nakaaaliw na matamis at masarap pakinggang tugtuging idinudulot sa mga tao ng mga supernatural na nilikha. Isang gabi, tatlong mapangahas na lalaki ang sumubok na lumapit sa yungib ng bundok. Sila’y dahan-dahan at tahimik na gumapang hanggang sa makarating sa pinakamainam na lugar malapit sa bunganga ng yungib at doo’y nagkubli ng ilang sandali.
Ano ang kanilang nakita? Sila’y buong kapanabikang nangabigla nang makita ang mga kaibig-ibig tingnang mga nilalang na tumutugtug gamit ang mga intrumentong musikal na yari sa magagaang kawayan na makinis ang pagkayari. Sa pinakaloob na bahagi ng yungib, ang ibang mga reyna ay buong kasiyahang tumutugtog gamit ang mga kulintang, agong, gandingan at iba pang mga instrumento. Nang maramdaman nilang may mga tao sa di kalayuan, kaagad silang napatugil sa pagtugtog. Madali nilang
nalamang may tao sa paligid dahil sa kanilang matalas na pang-amoy.
Ang mayuyumi, magaganda at kabigha-bighaning mga nakababatang diwata at reyna ay biglang naglaho. Nahintakutan sila sa pagdating ng mga tatlong kalalakihan. Ang mga nakatatandang mga diwata at reyna lamang ang nanatili roon ngunit di kumikibo at nakamasid lamang. Naumid naman ang tatlong lalaki at di malaman ang sasabihin ng makita nang harapan ang mga mga kabigha-bighaning nilalang.





MGA KWENTONG BAYAN NG VISAYAS

ANG BATIK NG BUWAN
Maikling Kuwentong – Bayan Ng Bisaya

Mag-asawa ang araw at ng buwan. Marami silang mga anak na bituin.Gustung-gusto ng araw na makipaglaro sa kanyang mga anak at ibig na ibig niyangyakapin ang mga ito ngunit pinagbawalan siya ng buwan sapagkat matutunaw angmga bituin sa labis na init ng araw. Kinagagalitan ng araw ang mga anak kapaglumalapit sa kanya.Isang araw, nagtungo sa ilog ang buwan upang maglaba ng marurumingdamit. Ipinagbilin niya sa asawa na bantayan ang mga anak ngunit huwag niyanglalapitan ang mga ito. Binantayan nga ng araw ang mga anak. Buong kasiyahanniyang pinanood ang mga ito habang naghahabulan. Nakadama siya ng pananabik at hindi siya nakatiis na hindi yakapin ang mga anak. Bigla niyang niyakap anglipon ng maliliit na bituin nang madikit sa kanya ay biglang natunaw.
Hindi naman nagtagal at umuwi n ang buwan. Nagtaka siya sapagkatmalungkot ang asawa. Naisipan niyang bilangin ang mga anak ngunit hindi nyanakita ang maliliit kaya't hinanap niya ang mga ito kung saan-saan. Hindi niyamatagpuan ang mga anak. Sa gayo'y sinumabatan niya ang asawa. "Niyakap mosila? Huwag kang magsisinungaling!”Hindi na naghintay ng sagot ang buwan. Mabilis niyang binunot ang isang punong saging at tinangkang ipukol sa asawa na nakalimutan na ang kanyangkasalanan.
Ang tanging nasa isp niya ay kung paano niya maipagtatanggol angsarili sa asawang galit na galit. Dumampot siya ng isang dakot na buhangin atinihagis sa nukha ng buwan at dahilan sa nangyari ay nagkaroon ng batik angmukha ng buwan. Hinabol ng buwan ang araw upang makaganti sa ginawa nito sakanya at hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ng buwan ang araw




ANG DIWATA NG KARAGATAN
Sa isang nayon, ang mga tao ay masaya at masaganang namumuhay. Mapagpala ang kalikasan sa kanila. Ang pangunahing hanapbuhay nilay ay ang pangingisda. Sagana sa maraming isda ang karagata. May isang diwatang nagbabantay at nag-aalaga sa mga isda at ito'y nalalaman ng mga taganayon. Ngunit may mga taong sakim, ibig nilang makahuli ng maraming-maraming isda upang magkamal ng maraming salapi. Gumamit sila ng dinamita kaya't labis na napinsala ang mga isda, pati ang maliliit ay namatay.

Nagalit ang diwata sa kasakiman ng mga tao kaya't mula noon ay wala nang mahuli kahit na isda ang mga tao. Naghirap at nagutom ang mga tao at naging pangit na rin ang karagatan na dati'y sakdal ganda. Nagpulong ang mga taganayon at napagpasyahan nilang humingi ng tawad sa diwatang nangangalaga sa karagatan. Nakiusap din silang ibalik na ang dating ganda ng karagatan at gayundin ang mga isda. Nangako sila na hindi na gagamit ng anumang makasisira sa kalikasan.

Mula nang sila'y humingi ng tawad sa diwata ay bumalik na ang ganda ng karagatan at muling dumami ang mga isda. Nanaganang muli ang kabuhayan ng mga tao.



ANG ALAMAT NG BASEY

DAHIL SA IPINAKITANG KALUPITAN NG MGA TULISANG - DAGAT, ANGMGA NANINIRAHAN SA BALUD, SA pangunguna ng mga misyonerong Heswitaay nagtungo sa Binongtoan, isa sa kalapit na nayon. Doon ay nagsimula silangbumuo ng panibagong nayon at matatag nakuta na yari sa mga batongadobe. Pinatatag nila ang kanilang nayon. Naglagay sila ng mga pamigil naharang laban sa marahas na pananalakay ng mga tulisang-dagat. Ang mgatagapamuno ng Binongtoan ay sina Ambrocio Makarumpag, FranciscoKaranguing, Juan Katindoy at Tomas Makahilig. Sa pagpupulong ng mga tagapamuno na dinaluhan ng mga misyonerong Heswita, sila’y nagkasundo napangalanan ang lugar na Baysay na may kahulugang ‘maganda’ bilang
parangal at sa alaala ng kanilang magandang si Bungangsakit.Samantala, ang mga taga-Omit na nakasalamuha ni Bungangsakit nangkanyang kabataan ay hindi sumama sa pagtatatag ng bayan ng Baysay.
Sa halip sila’y nagkaisa at nagtatag ng kanilang sariling barangay napinangalanang Guibaysayi, na may kahulugang ‘Ang Pinakamaganda’ bilang
pagbibigay parangal din sa kagandahan ng kanilang si Bungangsakit. Angmga naninirahan sa Baysay ay nagtatag ng pangkat ng mga tagapagtanggolna binubuo ng matatapang na kalalakihan sa kanilang lugar napinamumunuan ni Katindoy, isang matapang na mandirigma. Batid nilang angmga tulisang- dagat ay muling babalik kaya’t nagtayo sila ng kuta na yari sa matitigas na bato sa Bungal na matatagpuan sa bukana ng ilog. Sa kutang itomagtitipon ang matatapang na tagapagtanggol ni Katindoy upang planuhinang kanilang mga gagawing depensa laban sa mga tulisang-dagat atupangmamatyagan ang paparating na mga vinta. Nuong 1832, ang ilang piling lugarsa Bungal ay inihanda para sa pagtatayo ng Simbahang Katoliko ng mgaHeswita. Subalit sa kakapusang-palad , ang walo-walo ay dumating atsinalanta ang buong kuta.
Ang walo-walo ay walong araw na walang tigil napag-ulan nang malakas na may kasamang malalakas na hangin. Pagkalipas ngilang araw, dumaan pa ang napakalakas at nagngangalit na bagyo sa lugarna kumitil sa napakaraming buhay at sumira ng napakaraming ari-arian.Sapagkat walang matirahan at sinalanta ng bagyo, ang mga natirangbuhay na naninirahan sa Baysay ay ay nagpasyang muling kumilos upanghumanap ng lugar na may mga burol na magsisilbing pananggalang samalalakas na hangin. Napili nila ang kasalukuyang kilalalagyan ng bayan ngBaysay. Malapit sa lugar na ito ay matatagpuan ang mga burol na isa sa mgaito ay tinayuan ng mga katutubo ng mataas na tore. Mula sa tore aymatatanaw ang paparating na mga vinta at ang mga burol ay maaaringmapaglikasan sa mga panahon ng pagbaha at kublihan kapag maymalalakas na bagyo


MGA KWENTONG BAYAN NG MGA TAGALOG


KUNG BAKIT DINADAGIT NG LAWIN ANG MGA SISIW

Taga-lunsod sina Roy at Lorna. Ibig na ibig nila ang pagtira sa bukid nina Lola Anding at Lolo Andres tuwing bakasyon. Marami at sariwa ang pagkain sa bukid. Bukod dito, marami rin bagong karanasan at kaalaman ang kanilang natutuhan.

Isang tanghali, habang nangangakyat ang magkapatid sa punong bayabas, ay kitang-kita nila ang lawin na lumilipad pababa. Nagtakbuhan ang mga sisiw sa ilalim ng damo. Naiwan ang inahing manok na anyong lalaban sa lawin.

Mabilis na bumaba sa punong bayabas ang magkapatid at sinigawan nila ang lawin na mabilis na lumipad papalayo. Natawag ang pansin nina Lola Anding at Lolo Andres sa sigaw ng magkakapatid. Mabilis silang nanaog ng bahay at inalam kung ano ang nangyayari.

Kitang-kita po namin na dadagitin ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok kaya sumigaw po kami, paliwanang ni Roy.

Lolo, bakit po ba dinadagit ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok? tanong ni Lorna.

May magandang kuwento ang inyong Lola Anding na sasagot sa inyong tanong na iyon, sagot ni Lolo Andres.

Halina na kayo sa upuang nasa lilim ng punong bayabas, wika ni Lola Anding. Makinig kayong mabuti. Ganito ang kuwento.

Noong araw, magkaibigan si Inahing Manok at si Lawin. Minsan, nanghiram ng singsing si Inahing Manok kay Lawin upang gamitin niya sa pista sa kabilang nayon. Naroroon si Tandang at ibig niyang maging maganda sa paningin nito. Tinanggal ni Lawin ang suot niyang singsing at ibinigay niya ito kay Inahing Manok.

Ingatan mong mabuti ang singsing ko, Inahing Manok. Napakahalaga niyan sapagkat bigay pa iyan sa akin ng aking ina.

Maluwag sa daliri ni Inahing Manok ang hiniram sa singsing ngunit isinuot pa rin niya ito.

Salamat, Lawin, wika ni Inahing Manok. Asahan mong iingatan ko ang iyong singsing.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagbihis na si Inahing Manok. Isinuot niya ang hiniram na singsing at pumunta na sa kabilang nayon. Maraming bisita si Tandang at nagsasayawan na sila nang dumating si Inahing Manok. Nang makita ni Tandang si Inahing Manok ay kaagad niyang sinalubong nito at isinayaw. Masaya ang pista. Sari-sari ang handa ni Tandang. Tumagal ang sayawan hanggang sa antukin na si Inahing Manok.

Pagkagising ni Inahing Manok ng umagang iyon ay napansin niyang nawawala ang hiniram niyang singsing kay Lawin. Natakot si Inahing Manok na baka tuluyang mawala ang hiniram niyang singsing. Kaya hanap dito, hanap doon, kahig dito, kahig doon ang ginawa ni Inahing Manok. Ngunit hindi niya makita ang nawawalang singsing. Nagalit si Lawin at sinabi na kapag hindi nakita ni Inahing Manok ang singsing ay kukunin at kanyang dadagitin ang magiging anak na sisiw ni Inahing Manok.

Araw-araw ay naghahanap si Inahing Manok ng nawawalang singsing. Maging ang iba pang inahing manok ay naghahanap na rin ng nawawalang singsing upang hindi dagitin ni Lawin ang kanilang mga sisiw. Ngunit hindi nila makita ito hanggang tuluyan nang magkagalit si Lawin at si Inahing Manok.
Namatay na si Inahing Manok at namatay na rin si Lawin ngunit magkagalit pa rin ang humaliling mga inahing manok at lawin. Magmula na noon hanggang sa kasalukuyan ay di pa nakikita ang nawawalang singsing kaya dinadagit pa ng lawin ang mga sisiw ng inahing manok.




BAKIT MAY PULANG PALONG ANG MGA TANDANG

Nakapagtataka kung bakit may pulang palong ang mga tandang. Kapansin-pansin din na kapag pulang-pula ang palong ng tandang ay magilas na magilas ito. Para bang binata na nagpapaibig sa mga dalaga.

Ayon sa kuwento, may mag-ama raw napadpad ng bagyo sa isang baryo sa pulo ng Masbate. Ang ama ay nakilala ng mga tao sa nayon dahil sa kawili-wiling mga palabas nito na mga salamangka o mahika. Tinawag nilang Iskong Salamangkero ang kanilang bagong kanayon. Bukod sa pagiging magalang, masipag, mapagkumbaba ay mabuting makisama sa mga taga nayon si Iskong Salamangkero. Madali siyang nakapaghanap ng masasakang lupa na siyang pinagmulan ng kanilang ikinabubuhay na mag-ama.

Kung anong buti ng ama ay siya namang kabaliktaran ng anak nitong si Pedrito. Siya ay tamad at palabihis. Ibig ni Pedrito na matawag pansin ang atensyon ng mga dalagita. Lagi na lamang siyang nasa harap ng salamin at nag-aayos ng katawan. Ang paglilinis ng bahay at pagluluto ng pagkain na siya lamang takdang gawain ni Pedrito ay hindi pa rin niya pinagkakaabalahan ang pag-aayos ng sarili. Kapag siya ay pinagsasabihan at pinangangaralan ng ama ay nagagalit siya at sinagot-sagot niya ito.

Isang tanghali, dumating sa bahay si Iskong Salamangkero mula sa sinasakang bukid na pagod na pagod at gutom na gutom. Dinatnan niya na wala pang sinaing at lutong ulam si Pedrito. Tinawag niya ang anak ngunit walang sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa silid. Nakita niya sa harap ng salamin ang anak na hawak ang pulang-pulang suklay at nagsusuklay ng buhok.

Pedrito, magsaing ka na nga at magluto ng ulam. Gutom na gutom na ako, anak, wika ni Iskong Salamangkero.

Padabog na hinarap ni Pedrito ang ama at kanyang sinagot ito.

Kung kayo ay nagugutom, kayo na lamang ang magluto. ako ay hindi pa nagugutom. At nagpatuloy ng pagsusuklay si Pedrito ng kanyang buhok.

Nagsiklab ang galit na si Iskong Salamangkero sa anak. Sinugod niya si Pedrito at kinuha ang pulang suklay. Inihampas niya ito sa ulo ng anak at malakas niyang sinabi Mabuti pang wala na akong anak kung tulad mong tamad at lapastangan. Sapagkat lagi la na lamang nagsusuklay ang pulang suklay na ito ay mananatili sana iyan sa tuktok ng iyong ulo. At idiniin ni Isakong Salamangkero ang pulang suklay sa ulo ni Pedrito.

Dahil sa kapangyarihang taglay ni Isko bilang magaling na salamangkero, biglang naging tandang ang anak na tamad at lapastangan. At ang suklay sa ulo ni Pedrito ay naging pulang palong. Hanggang sa ngayon ay makikita pa natin ang mapupulang palong sa ulo ng mga tandang.








NAKALBO ANG DATU

Ang kuwentong ito ay tungkol sa ating kababayang Muslim. May katutubong kultura ang mga Pilipinong Muslim tungkol sa pag-aasawa. Sa kanilang kalinangan, ang isang lalaki ay maaaring mag-asawa nang dalawa o higit pa kung makakaya nilang masustentuhan ang pakakasalang babae at ang magiging pamilya nila.

May isang datu na tumandang binata dahil sa paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan. Lagi siyang abala sa pamamahala ng kanilang pook. Nalimutan ng datu ang mag-asawa. Siya ay pinayuhan ng matatandang tagapayo na kinakailangan niyang mag-asawa upang magkaroon siya ng anak na magiging tagapagmana niya.

Napilitang mamili ang datu ng kakasamahin niya habang buhay. Naging pihikan ang datu dahil sa dami ng magagandang dilag sa pinamumunuang pamayanan. Sa tulong ng matiyagang pagpapayo ng matatandang bumubuo ng konseho, natuto ring umibig ang datu. Ngunit hindi lamang iisang dilag ang napili ng datu kundi dalawang dalagang maganda na ay mababait pa. Dahil sa wala siyang itulak-kabigin kung sino sa dalawa ang higit niyang mahal kaya pinakasalan niya ang dalawang dalaga.

Ang isa sa dalagang pinakasalan ng datu ay si Hasmin. Siya ay batang-bata at napakalambing. Kahit na matanda na ang datu, mahal ni Hasmin ang asawa. Mahal na mahal din siya ng datu kaya ipinagkaloob sa kanya ang bawat hilingin niya. Dahil sa pagmamahal sa matandang datu, umisip si Hasmin ng paraan upang magmukhang bata ang asawa.

Ah! Bubunutin ko ang mapuputing buhok ng datu. Sa ganito, magmumukhang kasinggulang ko lamang siya.

Ganoon nga ang ginawa ni Hasmin. Sa tuwing mamamahinga ang datu, binubunutan ni Hasmin ng puting buhok ang asawa. Dahil dito, madaling nakakatulog ang datu at napakahimbing pa.

Mahal din ng datu si Farida, ang isa pa niyang asawa. Maganda, mabait si Farida ngunit kasintanda ng datu. Tuwang-tuwa si Farida kapag nakikita ang mga puting buhok ng datu. Kahit maganda siya, ayaw niyang magmukhang matanda.

Tuwing tanghali, sinusuklayan ni Farida ang datu. Kapag tulog na ang datu, palihim niyang binubunot ang itim na buhok ng asawa.

Dahil sa ipinakikitang pagmamahal ng dalawa sa asawa, siyang-siya sa buhay ang datu. Maligayang-maligaya ang datu at pinagsisihan niya kung bakit di kaagad siya nag-asawa. Ngunit gayon na lamang ang kanyang pagkabigla nang minsang manalamin siya, Hindi niya nakilala ang kanyang sarili.
Kalbo! Kalbo, ako! sigaw ng datu.


Nakalbo ang datu dahil sa pagmamahal ni Hasmin at ni Farida.

ANG MGA MANOBO

ANG TRIBO NG MANOBO Maniniwala ba kayo kung sa pagbabasa ng blog na ito ay malalaman ninyong mayroon pa palang mga taong namumuhay sa li...